DISCLAIMER:
This poem was inspired by the relationship of Gen. Luna & Ysidra in the Filipino Indie Movie "Heneral Luna"
This piece is all about her feelings as a mistress and as a girl who lost her beloved.
This is written from the POV of Ysidra.
("The Fallen Petals" which can be related to Ysidra's feelings for General Luna.
Picture taken by yours truly)
Ako si Ysidra.
Itinuturing na isa
sa mga babaeng
pinaka mahalaga
sa aming pamilya.
Pero, Antonio, alam mo ba...
sa lahat ng mayroon ako...
ikaw ang pinaka-iniingatan ko?
Oo, inaamin ko.
Ako'y isa lamang kabit.
Kabit ng isang ginagalang
na heneral ng Pilipinas.
Kabit ng isang lalaki
na mas mahal
ang pakikipagdigma
kaysa sa sariling pamilya.
Ako'y nagmahal ng isang lalaki.
Lalaki na walang ibang iniisip
kung hindi ang Pilipinas lamang.
Isang lalaki na walang puso
sa pananakit ng mga tao...
mga taong hindi niya kapantay
sa pagmamahal sa Pilipinas.
Ang lalaking kinilala bilang
ginoong Artikulo Uno.
O, Antonio,
ang pakiusap ko
ay sundin mo.
Kahit isang beses lamang...
ako naman ang iyong pakinggan.
Antonio...
Ako'y naghihintay.
Ako'y umaasa.
Ako'y nagninilay-nilay.
Ako'y handang magbigay pugay.
Malaman ko lang ang totoo.
Antonio...
Sana naman pakinggan mo ako.
Ang puso kong litong lito.
Ang puso kong durog durog
dahil sayo.
Minsan na akong nagtanong sa sarili ko,
para kanino,
saan at ano nga ba itong ipinaglalaban ko?
Ako'y gulong gulo.
Antonio, hindi ko alam.
Hindi ko na alam.
Bakit ako ganito?
Ano nga bang mayroon tayo?
Sapat na bang mahal kita at
ginagamit mo lang ako,
matiis ko lang lahat ng ito?
Sapat na nga ba ito para sa iyo?
Antonio,
kailan ko nga ba maririnig...
ang totoo?
Kailan ko nga ba maririnig...
na mahal mo ako?
Sino nga ba naman ako
para sa iyo, Antonio?
Isa lang akong hamak na
kabit na nagpapasaya sa iyo
sa mga gabing
ika'y nangangailangan ng init
na sensyason sa katawan.
Antonio,
ibinibigay ko nang buong buo
ang sarili ko sa iyo.
Ngunit umaasa pa rin ako
na mayroong kapalit.
Kahit man lang sana
pagmamahal at atensyon mo.
Antonio, sana ako'y
maintindihan mo.
Pasensya na nga pala,
Antonio.
Sa kadahilanang
ako'y nakalimot.
Pasensya na... Antonio.
Tandang tanda ko pa
ang iyong mga sinabi,
na noong una pa lang,
"Ako si Heneral Luna at ikaw si Ysidra."
Kaya pasensya na, Antonio.
Hanggang ngayon ako'y umaasa.
Na sa bawat laban na iyong haharapin,
nawa'y ang iyong pusong umaalsa
laban sa mga dayuhan ay hindi makalimot
sa mga gabing ako
ang iyong binibigyan ng pag-asa.
Ang mga maaalab na gabi
kung saan tayo'y nagiging isa.
Sa gitna ng mga patagong tagpuan,
sa kabila ng maliliit na tulugan,
ang mga munting himig na ating nagagawa
dala ng init sa ating mga katawan.
Hinding hindi ko pinagsisisihan.
Ang pag galaw natin ng walang tigil
na tila hindi napapagod
kahit ito'y ating ulit-ulitin,
makamtan lang ang ating inaasam
na rurok ng kaligayahan.
Aaminin ko,
naroon ang karampot na pag-asa.
Ang pag-asa na sa mga maiinit na gabing iyon,
nakukuha ko ang iyong oras, atensyon at pagnanasa.
Hinding hindi ko makakalimutan
ang mga araw na iyon, Antonio.
Mali nga ba
na mahalin kita
sa kabila ng lahat ng ito?
Mali nga ba
na binigay ko ang lahat ng meron ako
para lang sa iyo, Antonio?
Ngayon pa lang ay sabihin mo na.
Ako nga ba ang mahal mo?
O, mas mahal mo sila?
Pero alam ko rin naman
na kahit tanungin kita
hindi pa rin ako
ang isasagot mo, Antonio.
Dahil una pa lang,
sinaktan mo na ako.
Isang gabi,
noong akala ko ay darating ka...
Ako'y naghintay.
Ngunit nauwi ito sa wala.
"Antonio, nasaan ka na?"
Tanong ko sa aking sarili.
"Asan ka na, Heneral Luna?"
Tanong ko sa kanila.
"Ysidra, wala na siya...",
sambit sa akin ng sambayanan.
Kayo nga raw ay pumunta ng Cabanatuan
kasama ang iba.
Dahil sa isang telegrama na iyong natanggap,
galing umano sa Senyor Presidente ng Pilipinas
na si Aguinaldo.
Ni isang pagdududa ay wala ka,
dahil umaasa ka pa rin
na pare-pareho kayo ng adhikain.
Doon ka huling lumaban
ng may dangal.
Buong tapang na hinarap
ang lahat ng traydor at kaaway.
Sa kabila ng iyong pakikipaglaban
sa mga tauhan nila,
hindi ko pa rin matanggap ang katotohanan na
sa isang iglap...
kinuha nila ang itinuturing kong akin.
Wala ka na, Antonio.
Noong una ay akala ko'y matatanggap ko.
Ilang buwan ko na rin na pinaghahandaan
ang panahong kagaya nito.
Pasensya na, Antonio.
Pasensya na, Antonio.
Dahil aking nakalimutan.
Isa ka nga pala sa mga heneral ng bansa.
Isa ka sa mga tao na handang mamatay
para lang sa kalayaan.
Isa ka sa mga tao na handang iwanan ang iba
para lang sa bayan.
Isa ka sa mga tao na walang puso dahil
hindi man lang nagpapaalam, bago mawala ng tuluyan.
Pasensya na, Antonio.
Ngunit aaminin ko,
nang marinig ko iyon,
O, Antonio, patawarin mo ako.
Sapagkat ako'y nasaktan ng todo.
Sa lahat ng katanungan ko noon,
ito na nga ba
ang iyong sagot, Antonio?
Ni isang paalam ay wala.
Ni isang telegrama ay wala.
Ako'y umasa na naman sa wala.
Sa kabila ng lahat...
Antonio nais ko na malaman mo,
wala akong ibang minahal
bukod sa iyo.
Antonio,
salamat dahil ako'y iniwan mo.
Kapiling ang mga gintong
kailanma'y hindi maibibigay
ang ligayang idinulot mo sa buhay ko.
Salamat sa pag iwan nang mga ito, Antonio.
Salamat sa pagtitiwala na kaya
kong mabuhay nang walang
inaasahan maliban sa sarili ko.
Totoo nga
na sa kahit
anong aspeto ng buhay,
darating ang mga
pagkakataon na magmamahal
tayo ng mga taong
walang ibang gagawin
kundi manakit at
ang mang iwan lamang.
At oo, naramdaman ko iyon.
Sa iyo.
Dahil alam ko,
hinding hindi ka
na babalik, Antonio.
Heneral Luna...
Ginoong Antonio...
ano man ang itawag nila sa iyo
hinding hindi magbabago
ang puso kong nabihag mo.
Kaya maraming salamat sa iyo, Antonio.
Dahil kahit papaano,
sa gitna ng malawakang gulo,
sa kabi-kabilang patayan
at gera para sa bayan,
ako'y nakaranas ng pagmamahal mo.
Totoo na ito.
Kaya't paalam na, ginoo.
Dahil alam ko,
at nang buong sambayanang Pilipino...
ilang henerasyon man ang magdaan
at maka-rinig o maka-basa ng ating kwento,
tanggap ko na ang lahat.
Na hanggang dito na lamang talaga tayo.
Na kahit minsan
ay hindi na maaaring baguhin
ang mga pangyayari sa ating panahon.
Ang ating sinapit,
na nakasulat na sa mga libro ngayon.
Ikinalulungkot ko lamang dahil
kahit saan ka man tumingin,
sa istorya natin, ako ang masama.
Ako ang nakiapid.
Ako ang kabit.
Kahit hindi ko pa
kayang tanggapin ang lahat,
wala na akong magagawa.
Dahil ito ang ating tadhana.
Kinasusuklaman ko ang lahat ng tao
sa likod nang
nangyaring trahedya sa inyo.
Hindi man nahatulan ng matinding parusa
ang mga taong pumatay sa iyo,
Isinusumpa ko na balang araw,
maisisiwalat sa buong mundo,
na mayroon tayong mas higit na kalaban
bukod sa mga dayuhan.
At iyon ang mga kapwa natin Pilipino.
Hindi nila naiintindihan ang lahat, Antonio.
Nasasaktan ako dahil alam ko,
ang lahat ng sakripisyo mo
para sa bansang
kinalakihan mo.
Ako'y humihingi ng tawad, Antonio.
Dahil ang bayan na minsan nagbigay
kasiyahan sa iyo
at kinagisnan mo...
ang bayan
na ipinaglalaban mo,
ang mismong papatay sa iyo.
Patawad
dahil wala akong nagawa,
Antonio.
Patawad
dahil isa ako sa pumatay
sa mga nag-aalab
na puso ng mga Pilipino.
Patawad
dahil hindi ko
maipag-papatuloy
ang sinimulan mo.
Patawad
dahil ang puso ng henerasyon
na nakikita mo ngayon
ay wala nang Nasyonalismo.
Patawad sa lahat Antonio.
Marami pa akong nais
sabihin sa iyo, Antonio.
Ngunit gaya nga ng iyong sinabi,
walang nakakaangat sa batas,
kahit presidente
at maging ako.
Kaya nga hanggang
dito na lang ako.
Kahit ako ang naging isa
sa mga babae mo,
wala na akong karapatan
para ipagpatuloy pa
ang laban na ito.
Dahil kabit lang ako, Antonio.
Masakit man
ang mga pangyayari,
wala na...
wala na akong magagawa.
Dahil hinding hindi ka na
babalik, Antonio.
Kaya mula sa kaibuturan
ng aking puso,
patawad at paalam, aking heneral.
Hanggang sa muli nating pagkikita
sa kabilang buhay.
Paalam, sinta.
Paalam, mahal.
Paalam, Antonio.
-J.E.